Pangungusap
Ernanie Rafael
Dumating kami dito nang walang tao.
Araw ng pag-alala, at mistulang lunan
Ito ng pagkalimot. Hindi katulad ng dati,
Sabi ng matandang aktibista, habang sinasaid
Ang bote sa ibang tagpuan. Nakasisilaw
Ang hedlayt ng mga rumaragasa. Sa balita,
Inimbitahan ng mga pulis ang isang katulad
Ng matanda. May nagbanggit ng paninikil,
Pag-uulit ng mga kaganapan, diktadurya,
Bakit ngayon pa? Sa isang motel, ipinagdiriwang
Ng binata't dalaga ang kanilang pag-ibig.
Tinitingala namin ang pumanaw upang magsilbing
Ningas, ang nagsa-tansong mga tinig na nagtipon
Dito, mga boses na inangkin ang marapat
Na kanila. Lahat ng ito'y nakaraan na.
Naririto kami, nangungusap ng mga simbolo.
Sa mga dumaraan, halikayo,
Magsindi ng kandila sa panahon ng ligalig,
Sa halip na murahin ang dilim.
Halikayo, hindi init ang hinahanap namin
Kundi liwanag; mabilis itong nagagapi
Ng hangin, napapaso kami upang magpanatili.
Magugunita ang kuwento ng isang ina
Tungkol sa gamu-gamo. May humihinto't bumubusina;
Halikayo, saksihan ang nais sa mga iglap ng liyab –
Kapayapaan, kalayaan, katotohanan, isang gabi
Ng panatag na pananaginip. Sa ibang panahon,
Kinakailangan kong sumigaw ng hustisya,
Katarungan, subalit hindi ito ang tunay na ibig
Sabihin. Papet, pasista, patalsikin, patalsi-
Hindi ito, hindi ito, kundi makiramdam,
Pakiusap, makiramdam kayo sa amin.
